Sunday, July 16, 2006

Balitang Pangkabataan

07-17-06
AM 10:30

Isang makabagong paraan ng paghahatid balita-ito ang ipinakikilala ng BANDILA na mapapanood sa ABS-CBN tuwing 10:30 ng gabi mula Lunes hanggang Linggo. Tatlong kilalang personalidad sa larangan ng pamamahayag ang mga taga-pamalita rito, sina Korina Sanchez, Ces OreƱa-Drilon, at Henry Omaga Diaz.

Umpisa pa lamang ng palabas ay mapapansing kakaiba ito kumpara sa balitang madalas nating pinapanood. Ang sikat na bokalista ng bandang Rivermaya na si Rico Blanco ang lumikha at umawit ng "theme song" ng nasabing palabas. Kakaiba mang pakinggan, "theme song" talaga ang dating ng panimulang kanta para sa Opening Billboard (OBB) ng palabas. Kung ako ang tatanungin, kapansin-pansin sa OBB na mayroong target audience ang nasabing programa, at di tulad ng iba na ganitong uri rin ang programa na matatanda ang inaasahang manonood, tila kabataan ang nais nitong kunan ng pansin.

May bahid ng paglapit sa kabataan ang pagtrato ng BANDILA sa mga inuulat nilang mga balita. Mabilis at maikli ang kanilang pag-uulat, na parang sumasabay sa pagiging maikli ng attention span ng kabataan. Isinisiksik nila ang isang balita sa napaikling oras at nagkakaroon sila ng maraming maiikling balita sa loob ng talumpung minuto.

Kasama sa pagtrato nila ng balita, kakaiba rin ang pagpapakita nila ng mga larawan. Patuloy ang paggalaw ng mga larawan sa kanila, di tulad ng iba na kapag nagpapakita ng larawan ay tila walang kabuhay-buhay na nakalapat lamang sa telebisyon. Dynamic ang dating ng graphics ng BANDILA, at dala nito ay hindi nakakabagot ang paghahatid nila ng kanilang mga balita.

Sa panahon ngayon, mabilis ang takbo ng pamumuhay ng mga Pilipino, at kung susuriin ay maaaring ito ang naging basehan ng programa sa pagturing ng mabilis na paghahatid balita sa sambayanan. Ngunit, may kaibahan man ang pagtrato ng BANDILA sa balita, at maging iba man ang paglapit na ginagawa nito sa masa para tangkilikin, ang importante lamang ay ang ginagawa nila ang kanilang pangunahing tungkulin na pagbibigay alam kung ano na ang nangyayari sa loob o labas man ng ating bansa na walang bahid ng pagpanig. Hindi sa pagdadala ng programa nakikita ang kahusayan ng isang tagapagpamalita, makikita ito sa laman ng kanilang inuulat. Ang isang karesperespetong pag-uulat ay masasalamin sa balitang walang bahid ng kasinungalingan at pawang katotohanan lamang.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home