ukay-ukay sa basura
05/25/06
pm 3:45
Nitong nakaraang taon, gumagawa kami ng isang dokyumentaryo patungkol sa sikat na sikat na night market sa kahabaan ng Session road. Balot na balot ng liwanag ang kahabaan ng kalsada. Nakita namin kung gaano karaming tao ang talaga namang nagsisiksikan at patuloy ang pagpili ng mga gamit na nakalapag lamang sa bangketa ng nasabing lansangan. Ngunit lingid sa kaalaman namin at ng mga taong patuloy ang pamimili ng kung ano ang kanilang bibilhin sa nasabing sikat na mga bilihan sa bangketa, mayroong rin palang ilang tao rito na gumagawa ng sarili nilang pagmamarket sa mga nagkalat na basura sa lansangan-ito ang mga taong namamagpag.
Ang salitang pagpag ay nangangahulugang pag aalis ng dumi. Para sa mga taong pagpag, kumakatawan na sa kanila ang salitang ito dahil ito ang kanilang gawain- ang pumulot ng mga tirang pagkain, papagpagin ng kaunti, at pwede na nilang kunin. Gabi-gabi, tuwing alas onse, ay makikita mo sila sa Session road na patuloy ang paghahalukay ng mga tirang pagkain sa mga basura ng iba't-ibang establisyemento sa kahabaan ng lugar. Mayroon silang dalang mga bayong kung saan nila ito sinisilid ang mga napupulot nila sa iba't ibang basurahan. Walang anumang klaseng proteksyon ang bumabalot sa kanilang mga katawan sa paghawak ng mga basura. Ang kanilang mga kamay ang direkta nilang pinanghahawak sa maruruming basurahan sa nasabing lugar. Direkta nilang nalalanghap ang masangsang na amoy ng mga basura dahil maski paglalagay ng panakip sa kanilang mga ilong ay di nila ginagawa.
Aming nakapanayam ang dalawang matandang babaeng namamagpag sa nasabing lugar. Noong una'y ayaw pa sana nilang pumayag dahil mayroon kaming dalang camera, ngunit sa kabutihang palad ay pumayag rin sila. Habang kinakausap sila ng isa sa aking mga kagrupo, patuloy pa rin ang ang paghukay nila sa napakarumi at napakabahong lundayan ng mga sakit. Napapansin ko na sa mukha ng aking kasama ang pagiging di komportable sa pagkakatabi sa umaalingasaw na basura, ngunit di mo ito mababatid sa mukha ng dalawang matanda. Noong una ay inakala naming para sa kanila ang mga tira-tirang pagkaing pinupulot nila. Nang sinubukan naming itanong to sa kanila ay pangiti-ngiti silang tumanggi at patuloy pa rin sila sa paghanap ng mga tira-tira na ayon sa kanila ay gagamitin raw nilang pagkain para sa mga alaga nilang baboy.
Di nila alintana ang masamang epektong maaaring dalhin ng kanilang ginagawa sa kanilang kalusugan. Para sa kanila ay napakanormal na ng araw-araw na paghalukay sa duming itinapon na lamang ng iba. Para sa kanila, ito na ang pinakamadaling paraan para makakukuha ng kanilang kabuhayan. Ayaw man nilang gawin ito ay wala na rin naman silang pagpipilian. Dala na rin ng kahirapan, sapilitan silang itinutulak ng tadhana sa direksyong ito. Para sa kanila, imbes na gumastos ng pera upang bumili ng maaaring ipakain sa kanilang mga alagang baboy, mas pinili na nilang makatipid kahit pa na ang kalusugan at dignidad nila ang magiging kapalit.