Sunday, August 27, 2006

noon: pinagkukunan ng kabuhayan, ngayon: ikawawakas ng kanilang buhay

08-28-06
AM 9:30

Tone-toneladang langis ngayon ang naglalagay sa panganib sa mga isla ng Guimaras at sa mga residente nito. Ayon sa artikulong inilabas ng Philippine Daily Inquirer, ito ay kinikilala ngayon bilang pinaka-malawakang
oil-spill sa Pilipinas. Sinasabing nasa 450,000 galon ang nilalamang langis ng lumubog na barkong kinontrata ng Petron para maghatid ng langis nitong ika-11 ng Agosto, at mahigit 50,000 galon na ang tumagas mula rito at unti-unting sumisira sa baybayin ng Guimaras. Ang larawan ng Guimaras Island na inilabas ng Philipine Daily Inquirer ay talaga nga namang nakakabahala. Makikita rito ang malawakang pagkalat ng langis na maaaring magdala ng panganib sa kalusugan ng mga residente sa nasabing lugar at sa karagatang pangunahing pangkabuhayan ng mga naninirahan doon.

Ang mga kapabayaang tulad nito ay di dapat winawalang bahala. Ang pagpatay sa kalikasan ay wala ring kaibahan sa pagpatay ng isang tao. Kung tutuusin nga, mas masama pa ang naidudulot ng paninira ng kalikasan dahil kung susumahin ay di hamak na mas maraming tao ang maaapektohan at mapeperwisyo. Kailangan ng karampatang parusa sa mga taong may kasalanan sa likod ng kasiraan sa yamang tubig na ito.

Nakakakaawang tignan ang mga residenteng tulong-tulong na naglilinis ng pampang na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan. Hirap na hirap silang maglinis ng kalat ng iba para sa napakaliit na halaga, ngunit para nga ba sa pera ang ginagawa nila o para na rin sa sarili nila dahil walang ibang nagkukusang madumihan ang tila malilinis at malalambot nilang mga kamay kahit na sila pa ang may gawa ng kalat na ito. Maaari ngang nagbibigay ng tulong pinansyal ang kompanyang nasa likod ng trahedyang ito, ngunit hindi ito sapat para kung ikukumpara sa maaari nilang kitain sa loob ng buong araw na pangingisda at sa halagang maaari pa nilang gastusin pampaospital dahil sa sakit na maaari nilang makuha sa maghapong paglanghap ng amoy ng langis na halos dumikit na sa mga batong dati rati ay napakagandang tignan.

Nakakatuwang isipin, na napakalakas ng loob ng mga kompanya ng langis na patuloy na magtaas ng presyo, ngunit kung titignan ang sitwasyon ngayon, di man lang nila magawang pag-ingatan ang nakalalasong kemikal na patuloy nilang pinagkakakitaan. Nakakaawa man sa parte nila na napakalaking halaga ang maaaring nawala sa kanila dala ng paglubog ng barko, mas nakakaawa ang lahat ng residente sa paligid ng nasabing baybayin dahil ang kanilang dati'y pinagkukunan ng kabuhayan ay maaari pang maging sanhi ng kanilang kamatayan dala ng kapabayaan ng iilan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home