Tuesday, July 25, 2006

Isang Oras ng mga Pilipino para sa Pangulo

Marami ang patuloy ang pagtuligsa sa pamumuno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Marami ang di naniniwala sa kakayanan niya bilang presidente ng Pilipinas, kaya nitong State of the Nation Address (SONA) niya ng Hulyo 24, 2006 makikita sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang halos 10,000 mga taong nagproprotesta laban sa kanya. Kinailangan pa ng pangulo ng halos 16,000 sundalo at pulis para protektahan siya habang nagbibigay ng talumpati. Kinailangan niya ang proteksyong ito dala na rin ng paglaganap ng napakaraming pagtatangka sa kanyang buhay.

Napapaloob sa SONA ni PGMA ang iba't-ibang isyu na nais niyang tugunan sa nalalabing oras ng kanyang pagkakaluklok sa pwesto. Panibagong umpisa- ito ang nais niyang ipahiwatig sa bandang umpisa ng kanyang talumpati. Malakihang paggastos para muling ibangon ang ekonomiya ng Pilipinas, nais niyang pagtuunan ng pansin ang mga pampublikong daanan, at pampublikong mga kagamitan na maaaring makatulong sa pagsulong ng agrikultura sa ating bayan. Nabanggit niya sa kanyang talumpati na may pondo na ang Pilipinas. Pondo na maaaring gamitin sa edukasyon ng mga Pilipino at maaari ring gamitin para sa pagsulong ng ating ekonomiya. Ngunit totoo nga ba ito? napupunta nga ba ang sinasabing pondong ito sa dapat nitong puntahan o sadyang diretso na ang perang ito sa bulsa ng mga pulitiko?

Maging sa kanyang talumpati ay ipinipilit niyang ihapag ang CHA-CHA. Sinasabi niya na kailangan raw natin ito ngayon, at dapat raw itong ipatupad. Ngunit kailangan nga ba talaga ito o sadyang ipinipilit lang niya? Siya ang nasa itaas, pawang makikinig lamang tayo sa kung ano ang kanyang sasabihin. Di lahat ng tao ay kritikal pagdating sa pakikinig, pero sa ganitong pagkakataon, kailangan.

Kapansin-pansin sa kanyang talumpati na tuwing gugunita siya ng magagandang nagawa niya ay laging taong 2001-2003 lamang ang kanyang nababanggit. Ano ang nangyari sa taong 2004 at 2005? Bakit di ito maisama sa gunita ng magagandang gawa niya? ibig bang sabihin ay wala siyang nagawang maganda ng mga panahong iyon?

Tulad ng nakaraang mga SONA, ginagamit lamang ang pagkakataong ito para pabanguhin ang pangalang ng namumuno. Taon-taon na lamang ay pinauulanan nito ng pangakong napapako ang sambayanang Pilipino. Sa taong ito, isang oras na talumpati ang inilahad ni PGMA. Isang oras ang inilaan ng mga Pilipino para makinig sa sasabihin ng pangulo, sana nga lang ay di kasinungalingan ang mga platapormang inihain niya sapagkat di na kakailanganin pa ng ating mga kababayan dahil di nito magagawang hapagan ng pagkain ang kanilang mga hapag-kainan. Sana nga lamang ay di pag-aaksaya ng oras ang ginawang pag-aabang ng buong Pilipinas sa mga sasabihin ng Pangulo patungkol sa pagpapaunlad ng kinabukasan ng ating bayan.

Sunday, July 16, 2006

Balitang Pangkabataan

07-17-06
AM 10:30

Isang makabagong paraan ng paghahatid balita-ito ang ipinakikilala ng BANDILA na mapapanood sa ABS-CBN tuwing 10:30 ng gabi mula Lunes hanggang Linggo. Tatlong kilalang personalidad sa larangan ng pamamahayag ang mga taga-pamalita rito, sina Korina Sanchez, Ces Oreña-Drilon, at Henry Omaga Diaz.

Umpisa pa lamang ng palabas ay mapapansing kakaiba ito kumpara sa balitang madalas nating pinapanood. Ang sikat na bokalista ng bandang Rivermaya na si Rico Blanco ang lumikha at umawit ng "theme song" ng nasabing palabas. Kakaiba mang pakinggan, "theme song" talaga ang dating ng panimulang kanta para sa Opening Billboard (OBB) ng palabas. Kung ako ang tatanungin, kapansin-pansin sa OBB na mayroong target audience ang nasabing programa, at di tulad ng iba na ganitong uri rin ang programa na matatanda ang inaasahang manonood, tila kabataan ang nais nitong kunan ng pansin.

May bahid ng paglapit sa kabataan ang pagtrato ng BANDILA sa mga inuulat nilang mga balita. Mabilis at maikli ang kanilang pag-uulat, na parang sumasabay sa pagiging maikli ng attention span ng kabataan. Isinisiksik nila ang isang balita sa napaikling oras at nagkakaroon sila ng maraming maiikling balita sa loob ng talumpung minuto.

Kasama sa pagtrato nila ng balita, kakaiba rin ang pagpapakita nila ng mga larawan. Patuloy ang paggalaw ng mga larawan sa kanila, di tulad ng iba na kapag nagpapakita ng larawan ay tila walang kabuhay-buhay na nakalapat lamang sa telebisyon. Dynamic ang dating ng graphics ng BANDILA, at dala nito ay hindi nakakabagot ang paghahatid nila ng kanilang mga balita.

Sa panahon ngayon, mabilis ang takbo ng pamumuhay ng mga Pilipino, at kung susuriin ay maaaring ito ang naging basehan ng programa sa pagturing ng mabilis na paghahatid balita sa sambayanan. Ngunit, may kaibahan man ang pagtrato ng BANDILA sa balita, at maging iba man ang paglapit na ginagawa nito sa masa para tangkilikin, ang importante lamang ay ang ginagawa nila ang kanilang pangunahing tungkulin na pagbibigay alam kung ano na ang nangyayari sa loob o labas man ng ating bansa na walang bahid ng pagpanig. Hindi sa pagdadala ng programa nakikita ang kahusayan ng isang tagapagpamalita, makikita ito sa laman ng kanilang inuulat. Ang isang karesperespetong pag-uulat ay masasalamin sa balitang walang bahid ng kasinungalingan at pawang katotohanan lamang.

Sunday, July 09, 2006

Masarap na Pagkaing Lansangan, Kabuhayan ng Ilan, Basura Para sa Iba

07-10-06
am 8:00

Isa sa mga sikat na kinawiwilihan ng mga Pilipino sa lansangan ay ang mga pagkaing kadalasang sa kalsada lamang makikita, o ang mas kilala sa tawag na street foods.

Maraming uri nito ang mamamataan sa kalye, nariyan ang fishballs, iba’t-ibang uri ng inihaw at ang bagong pumapatok ngayon sa panlasa ng karamihan, ang piniritong balum-balunan na mas kilala natin sa tawag na chicken nuggets.

Sa kahabaan ng Session Road ay makikita ang nagkalat na kariton ng chicken nuggets. At kahit saan pa man nakapwesto ang mga ito ay di maitatanggi ang dami ng taong tumatangkilik sa masarap na pagkaing Pinoy na ito. Ngunit sa dinami-dami ng taong dumudumog sa maliliit na kariton nito para tumuhog ng mamiso isang pirasong meryendang ito, ilan kaya sa kanila ang nakakaalam kung ano ang istorya ng taong nabubuhay sa bariyang inaabot nila?

Isa si Michael sa maraming mga taong nagbebenta ng chicken nuggets sa Session. Labing-anim na taong gulang siya at panganay sa apat na magkakapatid. Araw-araw mo siyang mamamataan sa Session na abalang-abala sa pagluluto at pagtutuhog ng kanyang paninda. Ayon sa kanya, huminto na siya ng pag-aaral para makatulong sa kanyang mga magulang. Napili raw niya ang pagtitinda ng chicken nuggets dahil napansin niya kung gaano ito kapatok sa mga tao.

Maliban sa mabilisang pagbenta, maliit lamang ang puhunan niya sa araw-araw. Sa tatlong kilo ng balumbalunan na nagkakahalaga ng dalawang daan at pitumpung piso at karagdagang sangkap na hindi pa aabot ng singkwenta pesos, ay umaabot raw ang kita niya ng limandaang piso kada araw. Maaaring maliit na halaga ang kanyang kinikita para sa maghapong pagod niya ngunit para sa kanya ay malaking tulong na raw ito. Sapat na raw para sa kanya na may maiuwing kahit na magkano sa kanyang mga magulang at may matirang konting puhunan para sa kinabukasan.

Sa mga taong tulad ni Michael, masasalamin mo ang kahirapan ng ating bayan. Maliban sa matinding pagtitiyaga para lamang kumita ng kakaunting halaga, sa paninda niya ay makikita mo kung gaano na rin tayo kadesperado. Ang balum-balunan ng manok na binabalewala at tinatapon lamang ng mga tao sa ibang lugar ay nagagawan pa natin ng paraan para muling magamit at makain. Pagkaing basura kung ituring ng iba, ngunit para sa atin ay laman tiyan at maaaring kabuhayan pa para sa ilan. Bagsak ang ekonomiya ng ating bansa at hindi na maitatanggi iyan. Mababakas mo sa mukha ng ilan nating mga kababayan, tulad ni Michael, ang epekto ng ganitong uri ng problema. Kakaiba kung kakaiba, itinuturing na exotic ng iba, pero bakit nga ba tayo mahilig sa mga pagkaing itinuturing na patapon na? Ito nga ba'y dala ng pagiging madiskarte ng mga Pilipino, o sadyang dala na lamang ng kahirapan?

Sunday, July 02, 2006

Panandaliang Kapayapaan: Pilipinas sa Loob ng Boxing Ring

07-02-06
am9:00

Di tulad ng karaniwang araw ng Linggo sa Baguio City, tahimik ang Session Road nitong ika-2 ng Hulyo taong 2006. Kakaunti lamang ang tao sa lansangan, pati na rin ang mga sasakyan. Ito ang araw ng laban ni Manny Pacquiao at Oscar Larios sa Araneta Coliseum at tila sabik ang lahat at halos di huminga sa pag-aabang.

Mapapansin noong umagang iyon na kahit saan ka magpunta ay maririnig mong nakatutok ang mga tao (lalong-lalo na ang mga drayber) sa kani-kanilang mga radyo. Karamihan sa kanila ay pinakikinggan ang balita patungkol sa Thriller in Manila 2. Dala na rin ng pananabik, ang iba’y di na magawa pang antayin na ipalabas sa telebisyon ang nasabing laban kaya kahit pa magtiis sa pakikinig lamang sa radyo, halos di na ito alintana ng ating mga kababayan, malaman lamang kung ano na ang nangyayari sa laban ni Pacquiao, sa laban ng ating bansa.

At gaya nga ng kanilang inaasahan, matapos ang labing-dalawang rounds, nanalo si Pacquiao. Mababakas mo sa mukha ng ating mga kababayan ang lubos na kasiyahan matapos ang laban. Lahat ay patuloy ang pagdiriwang sa pagkapanalo ng pambato ng Pilipinas sa larangan ng boksing.

Di maitatanggi ang panandaliang kaligayahang idinulot ng isang pangkaraniwang laban sa mga Pilipino. Sa likod ng kahirapan ng ating bansa, nagawa nitong panandaliang ibalot sa limot ang problema ng ating bayan para kahit papaano ay damhin ang tamis ng pagwawagi. Ang pagkapanalo ni Pacquiao ay tila sumasalamin sa pag-asang mayroon pang magandang kinabukasang haharapin ang ating bansa. Ang tagumpay ni Pacquiao ay tagumpay ng mga Pilipino. Ang ligayang dulot nito ay panandaliang pagtakas sa katotohanang maraming problema ang Pilipinas. Ang tanging mababakas sa mga ngiti ng mga tao ay pagpupunyagi.

Ngunit dahil panandalian nga lamang ang nasabing kaligayahan, matapos ang ilang oras, unti-unti nang humuhupa ang kasiyahan, at dahan-dahang bumabalik ang lahat sa dati. Paunti-unti ay napupuno ulit ang kalsada ng Session Road, ang lahat ay may kanya-kanyang ginagawa. Patuloy ang pagpapalitan ng kwento, ngunit lumilipas din ito. Ang pagbubunyi sa tagumpay ay di rin nagtatagal. Babalik at babalik rin tayo sa realidad kung saan di madaling mahanap ang kasiyahang tulad ng idinulot sa kanila ng pagtatagumpay ni Pacquiao. Patuloy pa rin ang buhay, ang nakakarindi nang paghahanapbuhay para lamang may makain sa araw-araw. Maaaring maalala natin ang pagwawagi ni Pacquiao paglipas ng susunod pang mga araw, ngunit di nito magagawang baguhin ang paghihirap ng ating bayan. Mananatili na lamang itong isang makulay na istorya sa likod ng mga krisis na ating dinaranas at maaari pang danasin sa hinaharap.